Unang beses kong magsusuot ng kupas na t-shirt at maong, at ang paboritong kong Islander na tsinelas para manood ng sine sa pinakamalapit na mall dito sa ‘min sa probinsya, ang Walter Mart Plaridel (dun ako madalas mag-grocery, kahit di masyadong madami ang gulay nila).Kasi, nang malaman kong palabas ang Bikini Open ni Jeffrey Jeturian dun nga sa malapit lang na sinehan, natuwa ako’t di ko na kelangan lumuwas pa para lang makapanood. Palabas nga din ang Star Wars III, pero freak ako, wala akong ganang panoorin yun.
Gusto ko ang mga pelikula ni Jeturian, pero kaiba na nga rin ang nagiging direksyon nya, simula sa Bridal Shower. Nawalan ng kaseryosohan, pumalit ang entertainment-value, pero malaman pa rin. Utang na loob naman, kung ihahambing ito sa karamihan ng nakahanay na pelikulang koemdya (at action din) ngayon, walang panama sila. Sabi nga, isa itong mockumentary, at walang damsel/s-in-distress na kelangan i-rescue bago matapos ang palabas.
Ang maiksing kwento: Isang mala-Korina Sanchez na brodkaster (hala, ang tsismis ko talaga ay notorious sya e; sinabuhay ito ni Cherry Pie Picache) ay nanghimasok sa isang bikini contest, pati na rin sa mga buhay ng mga contestant nito. May isang nangloloko ng bading, may isang mahilig mambuntis, may isang pinapasakan ang brief ng madaming tissue para lumaki ang umbok, at karamihan sa mga babaeng kalahok ay mahina ang utak, at isang damakmak ang ka-malditahan. Makikilala din ang pinaka-sponsor ng timpalak (ginampanan ni Ricky Davao) na isang baklang may-ari ng computer school, at ang di-inaasahang main performer sa event. Sa huli, sabihin na nating di malaking surpresa ang mga magsisipanalo, pero kahit papaano, nahabol ang ilan ng karma ng kanilang ginawa.
Mainam na pagganap ng lahat, at saludo ako kay Cherry Pie sa kanyang pag-arte. Nagulat pala ako kay Diana Zubiri dito, dahil bukod sa malamig sya sa mata, ay marunong syang umangkop sa karakter na ginampanan nya. May ilang eksenang napahaba yata ng konti, uneven ang nagiging dating kung minsan, pero mas madami pa rin namang sapol na sapol sa intensyon nitong magpa-aliw. Nagusuthan ko ang pagpili ng mga lokasyon, mula sa isang comedy bar (sa halip na big-scale na entertainment venue), hanggang sa mga abondonadong mga building sa urbanidad (na para sa akin ay lubhang photogenic). Masyado na kasing standard na i-shoot sa mga skwater area kung ang eksena ay nangangailangang ipakita ang kahirapan.
Sa kabuuan, madaling ihanay ang pelikulang ito bilang isang smarteng comedy, na hindi kelangan ng slapstick para magpatawa, at ang presence ng mga bakla ay di incidental pero integral sa daloy ng kwento.
Sayang at pinanood ko syang mag-isa lang ako, at nasa sampu lang ang tao sa sinehan. Gusto ko kasing lakasan ang palakpak para marinig ng iba.